Kwentong Itim
Bababa na ang tingin nyo sa kin matapos nyong basahin itong entry na to. Maaaring di mo mawari ko ano ang nasa larawan. Yan po ay manok. Itim na manok. Nasunog ko. Kasi nakalimutan ko na totally na nagluluto pala ko. Ang asawa kong magaling, busy sa paggigitara at hindi pinaalala sa kin(nanisi pa). Kasalukuyang nagtatrabaho kasi ako nun eh. Nagmamadaling tapusin ang mga dapat isulat dahil kami’y lalarga. Papunta kami nun sa Subic. Nagmamadali. Ayan tuloy.
Dapat chicken barbecue sya. Okay na sana. Nagpabili pa ko ng bbq marinade sa tindahan. Umabot pa kami. Isang bote na lang. Sambit pa ng kabiyak ko “para sa atin talaga yan”. Wow naman diba. Pero ano nangyari. Konti na lang. Luto na ang manok. Pangalawang lagay na ng sauce, tapos nakalimutan ko pa. Excited pa naman ako. Pero nadurog lang ang puso ko.
Wala nang makain. Buti na lang may sardinas pa. Seryoso. From BBQ chicken, sardinas na lang ang pinakain ko sa asawa ko. Nakakaawa naman. Pero mas naawa ako sa kawali. Dalawang araw ko rin sya binabad sa tubig para mawala. Iniwan namin sya nang magpunta kami sa Subic. Nakakaawa.
Oo na. Isipin nyo na ang gusto nyong isipin. Batuhin nyo na ako. Ngayon lang naman to nangyari eh. Na naging sobrang itim. Kasi yung mga dati, medyo itim lang. Pero ano bang magagawa ko, nagtatrabaho ako. Tama nga ang sabi nila, you can’t serve two masters alone. Naks.
Pero sino bang hindi nakakasunog ng niluto? As in never? Lamang lang kayo kasi dark brown sa inyo. Sa kin eh itim na.
Yun lang. Here’s to more blackness.